Thursday, January 30, 2020

Planong Naputol. I Grieve for the Loss of a Stray Cat

Magaan ang dating ng gabing Ito tulad ng dati. Sa paglalim ng gabi, naiba dahil sa biglaang pangyayari.

Maliban sa mga kaibigan, dalawang tropa ang madalas bumisita sa akin, ang mga ibon at gala na pusa. Araw-araw, nasa bahay ang mga lumilipad at gumagapang na mga bisita. Para ko na ring ampon sila.


Ang nagiba sa gabing iyon ay ang kawalan ng isang ampon sa bahay. Siya rin ang kumakain sa mga tira tirang tinapay at laman ng pangang tuna din kinakain ng mga bisita.

Malinis ang balat, malusog at mabait. Siya din ang bantay ng ihawan pag tulog ako at wala sa bahay. Nakikiupo din siya sa silya. 

Pero pag namasid niya ako, tahimik siyang umaalis. Siya ang pusang puti may itim at kulay abo sa balat. Di niya kinakakalkal ang basura tulad ng mga ibang salbaheng at gutom na pusa. Tahimik lang siyang sumisimot sa lupa para sa tapon na makakain.

Ngayong gabi, 29 Jan 2020, habang nanood ako ng You Tube Channel, tahimik siyang dumaan galing sa pader, naghanap ng pagkain pero walang nakita. Tinignan niya ako at unti unting tumalon sa pader palabas.

Pagkatapos ng eye-to-eye niya sa akin, pumasok sa isip ko kung bilhan ko kaya siya ng pagkaing pang pusa sa supermarket.

Nang gabing iyon, balak ko rin kumain ng hapunan sa labas. Di gamit ang kotse at maglalakad dahil mahangin naman at medyo malamig.

Maya't maya pa, habang nalilibang ako sa mga pagcover ng mga paborito kong singers, may malakas na hiyaw akong narinig. Isip ko, siguro nakakita ng daga sa labas o nakipag away sa mga asong gumagala kasama ng amo nila.

Pag labas ko sa kalye, may nakita akong pusa na nakabulagta sa kalye. Iyon pala ang iyak, iyak ng namamatay.

Napatigil ako sa paglalakad unti-unting di maintindihan ang emosyon. Nasaktan dahil sa pusa.

Sa paglalakad, may nakasalubong akong village guard. Sabi ko sa guard na hindi pinapakita ang kalungkutan ko, "Paki tignan nga ang isang gala ng pusa na mamatay sa kayle malapit sa amin. Parang nakipag away o nabangga."

Habang patuloy akong naglalakad, naguguluhan ako. Di ko malaman kung tumatakas ako o nagpipilit idedma ang trahedya.

Sa bawat hakbang, sumsariwa sa alaala ko ang titigan namin, ang pagtalon niya sa pader. Nakaraang munuto pa lang balak kong iresearch at bumili ng tunay na cat food. Sa ilang saglit, wala na siya. Wala na ang pasisiyahin ko sa aking balak.

Naiyak ako dahil naramdaman ko ang pagkawala ng isang buhay na di ko man inampon ay naging bahagi na ng buhay ko. Sa isang pusang unti-unting napalapit sa akin na nagawan ko ng plano kung paano siyang mananatiling malusog at malinis. Planong di na matutupad.

Pusa siyang di ko man lang nabigyan ng pangalan. Tulad din siya ng tao, nakikiramdam at ginagalang ako. Di man niya nalasap ang magandang plano kabubuo ko lang ng gabing iyon bago siya tumalon sa bakod.


Ganoon pala ang ramdam ng isang trahedya. Nalulungkot ako at di ko man lang makumbinse ang sarili ko na ganyan talaga ang buhay, may katapusan. Kasi kahit sa maiksing panahon, naging bahagi na siya ng buhay ko.

(Pagbalik ko sa paglalakad, nagkita kami muli ng guard. "sir, basag ang bungo. Nasagasaan. Bukas na lang namin lilinisin. Ililibing namin aa bakanteng lote. Mabait siyang pusa di po ba?" huling tanong pa niya.)

No comments:

Post a Comment